
CAUAYAN CITY – Tumanggap ng isang sasakyan at siyam na motorsiklo ang Santiago City Police Office mula sa Local Government Unit ng Santiago.
Ang seremonya ng turnover ay dinaluhan ni Police Regional Office 2 Regional Director Police Brigadier General Antonio Marallag Jr., Isabela 4th District Congressman Joseph Tan, City Director Police Colonel Lucio Simangan Jr., at City Mayor Alyssa Sheena Tan.
Ang mga karagdagang kagamitan ay inaasahang magpapahusay sa mobility ng Santiago City Police Office, na magbibigay daan sa mas epektibong pagpapatrolya at mas mabilis na pagtugon sa mga insidente.
Binigyang-diin ni PBGen. Marallag ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga ahensyang nagpapatupad ng batas upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Samantala, labis naman na nagpapasalamat ang Santiago City Police Office sa Pamahalaang Lungsod ng Santiago sa kanilang patuloy na pagsuporta sa kapulisan.