Sa pagsapit ng Independence Day — ang ika-122 taong Kasarinlan ng Bansang Pilipinas — nag-alay ng bulaklak sa bantayog nina Dr. Jose P. Rizal (Pambansang Bayani), Dating Pangulo Ramon Magsaysay, at Major Feliciano Avanceña (Gerilyang San Joseno) sina Mayor Arthur Robes at si Congresswoman Rida Robes sa City Hall Plaza, Brgy. Poblacion I, San Jose del Monte (SJDM) City, Bulacan. Kasama nila rito ang city administrator na si Dr. Dennis M. Booth. Ang pag-alay ng bulaklak ay nagsilbing pagpupugay sa mga natatanging ambag si Rizal, Magsaysay, at Avanceña sa bansang Pilipinas.
“Hindi natin dapat kalimutan ang mga sakripisyo na ginawa ng ating mga bayani upang magkaroon tayo ng kalayaan na mabuhay na maunlad at mapayapa,” sabi ni Mayor Arthur. “Dapat maging inspirasyon natin sila sa panahong ito na tayong lahat ay naapektuhan ng COVID-19.”
Ani naman ni Congresswoman Rida, “Ipagdiwang natin ang kasarinlan ng ating bansa, sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan. Sa kasalukuyang hamon na kinahaharap ng ating bansa laban sa COVID-19, nariyan ang ating mga Bagong Bayani na patuloy na lumalaban upang maging ganap ang kalayaan natin sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Tulad ng ating mga Bayaning nakipaglaban makamtan lamang ang ganap na kalayaan na ating tinatamasa sa kasalukuyang Panahon.”
Hinikayat nina Mayor Arthur at Congressman Rida ang lahat ng mga San Joseño na magbigay pugay rin sa mga makabagong bayani gaya ng mga frontliners sa panahon ng COVID-19. “Pasalamatan natin sila sa kanilang sakripisyo at dedikasyon,” sabi ni Congresswoman Rida.