SDO CAUAYAN, HANDA NA PARA SA CAVRAA 2025

CAUAYAN CITY – Handa na ang Schools Division Office (SDO) Cauayan City para sa gaganaping Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) 2025.

Ayon kay Mr. Norman Tolentino, Education Program Supervisor at Division Sports Officer ng Cauayan City, matapos umano ang City Meet noong Enero ay nag-isyu ang SDO ng school-based training para sa mga mag-aaral bilang paghahanda sa naturang sports event.

Magkakaroon din sila ng in-house training para sa puspusang pagsasanay ng mga atleta na nakatakdang isagawa sa ika-2 hanggang ika-20 ng Abril.


Ibinahagi rin nito na isa sa problemang kanilang kinakaharap ay ang venue para sa kanilang in-house training dahil nagkataon din na makakasabay nito ang Regional Schools Press Conference (RSPC) kung saan Cauayan ang host division.

Isa pang problema ay ang kakulangan sa mga equipment lalo na at mahal ang ibang mga kagamitan gaya na lamang ng billiard table.

Sa kabila nito ay suportado naman umano sila ng Lokal na Pamahalaan ng Cauayan kung saan may inilaang P1M para sa mga sports equipment.

Maliban dito, aniya ay may pondo ring nakalaan sa mga uniform, shoes, bag, meals, snacks, at allowance ng mga atleta.

Samantala, nasa mahigit 600 naman ang kabuuang delegasyon ng Cauayan kabilang na ang mga atleta, coaches, technical staff at iba pa.

Facebook Comments