Cauayan City, Isabela- Pinaalalahanan ng Schools Division Office ng Tabuk City ang mga magulang na huwag sagutan ang mga self-learning module na para sana sa mga bata.
Ayon kay Schools Division Superintendent Irene Angway, nilinaw nya na ang tungkulin ng mga magulang at guardian ay ang pagbibigay ng motivation, umalalay at bantayan ang kanilang mga anak sa pagsagot ng lahat ng activities at aralin.
Katwiran ni Angway na ang pagsagot sa mga module ng bata ay isang klase ng pandaraya at hindi matututo ang mga bata at maiiwas sila sa mabigat na gawain dahil ginagawa na ito ng mga magulang.
Giit pa ng opisyal, hindi katanggap-tanggap para sa mga magulang na sagutan ang aralin ng mga bata para lamang makakuha ng maayos na grado.
Sakaling hindi matulungan ng magulang ang kanilang anak sa module dahil sa ilang dahilan gaya ng kapansanan, low level of comprehension at illiteracy ay magbibigay ng tulong kanilang tanggapan na tinatawag na ‘parateachers’.
Pinayuhan rin ang mga magulang na humingi ng tulong sa mga school personnel para matulugan ang kanilang mga anak o maituro ang dapat gawin ng isang magulang.
Ipinunto rin nito na ang isang bata ay kailangan ng motivation upang makapagfocus sa academic journey, at makapagtrabaho sa kanilang module na may kaakibat na tulong sa mga nakatatanda.
Dagdag pa dito, ilan sa obserbasyon ng ilang school principal ay ang direktang pagsagot sa mga module kahit na hindi pa nababasa ang parte ng talakayan.