SEA Games: ‘Pambabastos’ ng Azkals player sa Malaysian Football team, viral online

Video from Twitter/Harimau Malaya

Viral ngayon sa social media ang video ng umano’y pambabastos ng isang atleta ng Philippine Azkals sa koponan ng Malaysia na tinalo nila noong Biyernes sa Rizal Memorial Stadium.

Umani ng mahigit 800,000 views at samu’t-saring pambabatikos sa Twitter ang video na ibinahagi ni Harimau Malaya, Lunes ng gabi.


Sa video, hinahampas ni Justin Baas ang mga kamay at balikat ng mga banyagang manlalaro, sa halip na umapir lamang.

Nagalit at sinubukan pang habulin ng ilang miyembro ng Malaysian Football Team si Baas pero naawat sila ng coaching staff.

Maging ang teammates ng viral football player, humingi ng paumanhin sa ipinakitang asal ng atleta.

Dismayado naman ang Pinoy fans sa naturang pangyayari.

Sa isang panayam, nilinaw ni Baas na normal na high five lamang ang ibinigay niya sa mga katunggaling manlalaro.

Aniya, maaring sinadyang ilabas ng Malaysian fans ang naturang footage dahil hindi nila matanggap ang resulta ng laban.

Masyado daw pisikal ang laro ng Malaysian team at mas nasasaktan raw ang kaniyang mga kakampi sa kasagsagan ng football match.

Facebook Comments