SEA Games: Thailand football team dumaing sa paulit-ulit na pagkain, tinipid na tubig

PHOTO: FA Thailand Facebook account

Matapos magkaproblema sa transportasyon at tutuluyang hotel ng ilang football team na sasabak sa ika-30 Southeast Asian Games, inireklamo naman ng koponan ng Thailand ang pagkain at limitadong tubig.

Ayon sa Facebook post ng Thailand Football Association, paulit-ulit ang inihahaing pagkain sa Century Park Hotel at hindi sapat ang tubig na ibinibigay sa kanilang mga atleta.

Mayroon lamang umanong apat na bote ng tubig kada atleta na hindi sasapat sa buong araw.


“The problem is there’s not enough Thai food in the menu for the athletes, coaches, and staff every meal,” saad sa post.

Nakarating na ang problema kay FA Thailand President Somyot Poompanmoung na nag-utos na bigyan ng dagdag na pagkain ang kanilang mga atleta.

Bago ito, naudlot din ang ensayo ng koponan noong Sabado dahil sa masikip na trapiko.

Nakatakdang humarap ang Thailand kontra Indonesia sa Martes, 3 p.m sa Rizal Memorial Stadium.

Facebook Comments