
Agad nagsagawa ng search and rescue operations ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos lumubog ang Motor Vessel Hong Hai 16 sa karagatang sakop ng Barangay Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro nitong hapon ng Abril 15, 2025, pasado alas-5 ng hapon.
Ayon sa ulat, may sakay na 25 crew ang nasabing barko na pagmamay-ari ng Keen Peak Corporation kung saan 13 dito ay mga Pilipino at 12 naman ay Chinese nationals.
Batay sa pinakahuling datos ng PCG, 14 na tripulante ang nasagip — anim na Pilipino at walong Chinese habang isa namang Chinese crew ang natagpuang wala nang buhay.
Kaugnay nito, patuloy na pinaghahanap ang sampung nawawala, pito rito ay Pilipino at tatlo ang Chinese.
Nagpadala na rin ng dagdag na pwersa ang PCG para sa underwater search, diving operations, at pagputol sa bahagi ng barko na posibleng may na-trap pang crew sa engine room.
Kasabay nito, nakahanda na rin ang mga oil spill containment equipment bilang pag-iingat sa posibleng pinsala sa kalikasan.