Sa ating panayam kay City Nutritionist MaryJane Yadao, ang naturang kompetisyon ay lalahukan ng mga bata na may edad dalawa sa Boy Category habang apat na taong gulang naman sa girl category. Hahanapin aniya rito ang pinakamatangkad na bata gamit ang kanilang growth chart na kanilang magiging basehan sa pagpili sa mga mapipiling mananalo.
Paliwanag ng City Nutritionist na ilan sa kanilang mga titignan sa pagpili ng mga mananalo ay kung paano pinalaki ang bata, kung kumpleto ito ng bakuna magmula nang isilang hanggang sa kasalukuyan, kung nag-breastfeeding, at kung napakain ng mga complementary foods.
Sampung contestants ang pipiliin ng Nutrition Office at bibigyan naman ng cash prize ang top 3 na mapipiling batang pinakamatangkad na maiaanunsyo sa July 25, 2022.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Yadao ang sinumang gustong isali ang anak sa patimpalak kung saan kailangan lamang aniyang magtungo sa kanilang tanggapan para magpalista.
Samantala, tuloy tuloy pa rin ang isinasagawang feeding program sa Lungsod partikular na sa mga bata, buntis, senior citizen at PWDs bilang bahagi pa rin sa zero hunger goal ng lokal na pamahalaan.
Ang pagdiriwang ng buwan ng Nutrisyon ngayong Hulyo ay may temang “Nutrisyon sa New Normal, Sama-samang gawan ng Solusyon” kung saan una nang inilarga ang ibang mga aktibidades ngayong buwan tulad ng pamamahagi ng tsinelas sa mga bata at alkansya sa mga buntis.