Sec. Delfin Lorenzana, nanawagang ihinto ang pagpapakalat ng fake news patungkol sa Sinovac vaccine

Iginiit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na 2009 pa nagsu-supply ang Sinovac ng China ng mura at epektibong anti-rabies, anti-tetanus at flu vaccine sa Pilipinas.

Inihayag ito ng kalihim kasabay ng panawagan na itigil na ang pagpapakalat ng kasinungalingan tungkol sa bakuna na galing sa China.

Ayon kay Lorenzana, hindi ito ang panahon para maging negatibo at maglaro ng pulitika.


Wala aniyang magandang mangyayari sa pagpapakalat ng fake news kontra sa Sinovac vaccine at ang pagbibigay ng negatibong pahayag nang hindi nalalaman ang “technical details” ng naturang bakuna ay nagdudulot lang ng takot sa publiko sa pagpapabakuna.

Aniya, ang Sinovac vaccine ay ginagamit din sa national vaccination programs ng ibang mga mauunlad na bansa sa Southeast Asia tulad ng Thailand, Hong Kong, Malaysia at Singapore.

Matatandaang kabilang ang Department of National Defense (DND) sa tumanggap ng 100,000 dose ng Sinovac vaccine, na bahagi ng 600,000 dose ng bakuna na donasyon ng China sa Pilipinas.

Facebook Comments