Ipinagmalaki ng Department of Health (DOH) ang pagkakasama ng Pilipinas sa Top 5 highest single-day jabs worldwide.
Sa nasabing listahan, pang-apat ang Pilipinas sa may pinakamataas na bilang ng naturukan noong November 29 na aabot sa 2.7 million.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na bunga ito ng pinabilis na pagbabakuna ng pamahalaan at ng tumataas na tiwala ng mga tao sa COVID-19 vaccine.
Kasabay nito, pinasalamatan ng kalihim sina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., Testing Czar Vince Dizon, Health Undersecretary at National Vaccination Operation Center Chairperson Dr. Myrna Cabotaje gayundin ang lahat ng mga healthcare workers at volunteers na tumulong sa National Vaccination drive ng pamahalaan.
Dahil dito, kumpiyansa si Duque na maaabot ng bansa ang target nitong 54 million fully vaccinated individuals hanggang sa katapusan ng taon.
Target namang makakumpleto ng bakuna ang 77 milyong mga Pilipino sa unang quarter ng 2022.