Kumpiyansa si Health Secretary Francisco Duque III na madedepensahan niya ang kaniyang sarili sa gitna ng ginagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman hinggil sa mga sinasabing kapalpakan ng Department of Health (DOH) sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ito ang tugon ng kalihim matapos ihayag ni Ombudsman Samuel Martires na inaasahang matatapos ang kanilang imbestigasyon sa susunod na buwan.
Ayon kay Duque, handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon para ilabas ang katotohanan at malinis ang kaniyang pangalan.
Tiwala si Duque na isang patas na ahensya ang Ombudsman sa pagkokonsidera ng mga ebidensya na susuporta o kokontra sa anumang alegasyong ipinupukol laban sa kaniya.
Nabatid na iniimbestigahan ng Ombudsman ang DOH dahil sa mga sumusunod na isyu:
– Pagbili ng 100,000 COVID-19 test kits
– Pagkakaantala sa procurement ng Personal Protective Equipment at iba pang medical gears na kailangan para sa proteksyon ng mga healthcare workers
– Iregularidad na nabunga sa kamatayan ng ilang medical workers
– Pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit at namamatay na medical frontliners
– Kawalan ng aksyon sa pagpoproseso ng benepisyo at tulong sa mga namatay at nagkasakit na healthcare workers
– Nakakalitong pag-uulat ng COVID-19 deaths at confirmed cases
Magugunitang paulit-ulit na sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nananatili pa rin siyang tiwala kay Duque.