Makakaapekto sa buong bansa ang pinalutang na ideya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay na ang Mindanao sa Pilipinas.
Binanggit ito ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr., sa gitna ng pagdinig hinggil sa pagbibigay ng amnestiya sa mga rebeldeng grupo.
Sinabi ni Galvez na hindi niya suportado at mariin niyang tinututulan ang proposal ni dating Pangulong Duterte na gawing hiwalay na bansa ang Mindanao region.
Paliwanag ng kalihim, ang hakbang na ito ay makakaapekto sa comprehensive peace process na ginagawa ngayon ng pamahalaan.
Nagpapasalamat naman si Galvez dahil marami sa mga taga Bangsamoro ang hindi pabor sa panukalang ito at mas pinipili nilang tumugon sa kasunduan sa gobyerno.
Samantala, kung si Senator Ronald “Bato” dela Rosa naman ang tatanungin ay tutol din siya sa panukalang “One Mindanao” at wala ring sinuman ang gugustuhing paghiwa-hiwalayin ang bansa.