Muling nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa publiko hinggil sa pag-i-invest sa Paysbook E-Commerce System Corporation.
Base sa abiso ng SEC enforcement and investor protection department, nakatanggap sila ng impormasyon na ang Paysbook ay nagpo-post ng mga litrato sa social media na ang kanilang mga officers ay sumadya na umano sa komisyon para ipaalam sa publiko na naresolba na ang mga isyu nito.
Ito ay sa kabila ng babala ng SEC laban sa Paysbook na inilabas nitong a-primero ng Agosto, 2018.
Giit ng SEC, hindi nila inaalis ang advisory laban sa Paysbook dahil walang sapat na basehan para tanggalin ito.
Sa ilalim ng Paysbook, ang investor ay kailangang gumawa ng account kung saan agad siyang kikita ng 300 pesos.
Ang activation code ay nagkakahalaga ng ₱1,000 na magbibigay sa investor ng kita na aabot sa ₱1,200 kada anim na araw para sa log-in at log-out rewards.
Magkakaroon naman ng komisyon ang investor na hanggang ₱40,000 kapag nakapag-recruit ng mga bagong miyembro.
Ayon sa SEC ang Paysbook ay isang registered corporation na ang primary purpose ay e-commerce system services, online selling, online advertising services, franchises business, website development at customized online system development.
Kahit registered company ito, wala itong lisensya para mag-solicit ng investment mula sa publiko.
Ang mga mapapatunayang salesmen, brokers, dealers, o agents ay maaring mapatawan ng multa na aabot sa limang milyong piso o makukulong ng hanggang 21 taon.