Nilinaw ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang kontrobersya ukol sa insidente sa pagitan ng Chinese vessel at Filipino fishing boat sa Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS).
Sa kanyang Facebook account, inisa-isa ni Piñol na sagutin ang ilang katangungan hinggil sa insidente.
Ayon kay Piñol – simula pa lamang nang lumabas ang balita ukol sa insidente, inilahad ng kapitan at mga crew member ng F/B Gem-Vir 1 na Chinese vessel ang bumangga sa kanila.
Aksidente man o sadya, ani Piñol na mas mabuting maresolba ang kaso sa pamamagitan ng pagsasagawa ng maritime investigation.
Totoo aniyang lumubog ang bangka ng mga Pinoy dahil kinailangan nilang tumalon sa karagatan.
Makikita rin aniya sa larawan na nakalap ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Elizer Salilig ang pagkasira ng bangka.
Magtatakda naman aniya ang DA-BFAR ng iskedyul para sa distribusyon ng mga bangka.
Naisumite na ng DA ang official report sa Pangulo na idinaan kina Executive Secretary Salvador Medialdea at Cabinet Secretary Karlo Nograles.