Sinopla ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang mungkahi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na abandonahin muna ang pagtatanim ng palay upang mag-focus ang mga local farmers sa high-value crops.
Ayon kay Piñol, mali ang ganitong pananaw dahil kahit sa mga rice-importing countries, prayoridad muna ang pagpapalakas ng kanilang rice requirements .
Naniniwala ang mga economic advisers na mas malaki ang potensyal sa export ng mga high value crops kung ihahambing sa produktong palay.
Kabilang sa mga high value crops na ito ay ang abaca, cacao, cassava, kape, palm oil at rubber.
Ayon pa kay Piñol, sa harap ng banta ng climate change, ang mga rice-exporting countries, tulad ng Vietnam at Thailand ay posibleng magbawas sa hinaharap ng export volume sa bigas.
Dulot nito, posibleng malagay sa tagilid na kalagayan aniya ang Pilipinas kung bigla nitong bibitawan ang pagtatanim ng palay.
Una nang pinuntirya ng Department of Agriculture (DA) na makamit ang rice-sufficiency sa unang dalawang taon ng Duterte administration.
Pero, aminado ang Department of Agriculture (DA) na mahihirapan itong makamit ang target kung kaya at umangkat na muna ang gobyerno ng bigas.