Itinanggi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na tatakbo sya sa nalalapit na 2022 national elections.
Ayon kay Roque, pagsapit ng 2022 ay nais na nyang bumalik sa kaniyang pribadong buhay.
Reaksyon ito ng kalihim matapos siyang tawaging Senator Roque ni Quezon Province Governor Danilo Suarez sa isang press conference.
Sinabi ng kalihim dahil sa ilang media reports at trolls ng oposisyon ay mas nanaisin na lamang nyang bumalik sa kanyang pribadong buhay.
Pinaghuhugutan dito ni Roque ang katatapos lamang niyang event sa Bantayan, Cebu, na nag-trending dahil sa kaniyang paglabag sa health safety protocols lalo na sa social distancing at ang pagkakaroon ng mass gathering.
Himutok kasi ng kalihim, may ilang media ang hindi patas sa pagre-report, dahil nang dumalo rin si Vice President Leni Robredo sa isang event at marami ang nakipagkamay rito ay hindi manlang ito nasita o napulaan ng media.
Biro pa ni Roque, babalik na lang siya sa dati nyang role na kalaban ng kung sinumang presidente dahil mas masaya umano ito.