Sec. Roque, naniniwalang napagtagumpayan ang kaso laban kay Pemberton

Kumpiyansa si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na nakamit ng bansa ang katarungan sa pagkamatay ng transgender woman na si Jennifer Laude, ito ay sa kabila ng paggawad ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Ayon kay Roque, ang binura lamang ng Pangulo ay ang natitirang kaparusahan ni Pemberton pero hindi nito binura ang pagiging sentensyado nito sa pagpatay kay Laude.

Paliwanag pa ng kalihim, hindi naman amnestiya ang iginawad ng Punong Ehekutibo kay Pemberton kaya’t maituturing pa rin itong isang criminal at tiyak na apektado rin ang kaniyang serbisyo sa Hukbong Sandatahan ng Amerika.


Maliban sa napagsilbihan na niya ang krimeng ginawa sa loob ng 5 taon, nagbayad na rin ito ng apat na milyong pisong danyos sa pamilya Laude.

Una nang sinabi ni Roque na kaya pinili ng Pangulo na bigyan ng absolute pardon si Pemberton ay dahil mayroong mas importanteng national interest na dapat pangalagaan ang Pangulo at ito ay ang pagkakaroon ng bakuna ng bansa laban sa COVID-19.

Maliban kasi sa Russia, kabilang ang Estados Unidos sa mga bansang nagde-develop ngayon ng bakuna panlaban sa COVID-19.

Facebook Comments