Hihingi ng karagdagang pondo ang bagong-upong Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro sa Kongreso para sa kagawaran at sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Sec. Teodoro kailangang magkaroon ng sariling budget ang DND para mas epektibo nitong mapamahalaan ang AFP at ang iba pang ahensyang nasa ilalim nito.
Ani Gibo, masyado kasing kaunti ang 400 tauhan ng DND para pamahalaan ang AFP na pinakamalaking ahensya ng pamahalaan.
Samantala, hinggil naman sa AFP modernization program sinabi ng kalihim na ideal na gastusin para external defense ay 2 hanggang 3 porsyento ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Aniya, sisikapin niyang makakuha ng pondo para lubusang maisulong ang pagbili ng mga bagong kagamitan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas.