Second generation ng COVID-19 vaccines, posibleng matanggap na ng bansa sa katapusan ng Disyembre

Posibleng matanggap na ng bansa ang second-generation COVID-19 vaccines pagsapit ng katapusan ng Disyembre.

Sinabi ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na nasa proseso pa rin sila ng negosasyon sa Moderna at Pfizer hinggil sa pagbili ng bivalent vaccines.

Batay sa kanilang pagtaya, posibleng dumating ang mga naturang bakuna pagsapit ng katapusan ng Disymebre o di kaya ay sa unang quarter ng 2023 bunsod ng kailangang clearances sa regulasyon nito.


Kinumpirma naman ni Vaccine Expert Panel (VEP) head Dr. Nina Gloriani na sinisilip na rin ng private sector na bumili ng aabot sa 10 milyong doses ng second generation COVID-19 vaccines.

Pero ayon kay Gloriani, magsasagawa muna ang pribadong sektor ng survey kung sino ang magpapabakuna nito upang hindi maulit ang vaccine wastage na nangyari dati.

Sa ngayon, wala pang natatanggap ang Food and Drug Administration (FDA) na aplikasyon ng emergency use authorization (EUA) ng bivalent vaccines.

Ang bivalent COVID-19 vaccine ay may kakayahang magbigay ng proteksyon laban sa original strain ng virus at sa mga variants nito tulad ng Omicron.

Facebook Comments