Panganay na anak ni Justice Secretary Remulla na dawit sa illegal drug charges, naghain ng ‘not guilty’ plea

Naghain ng “not guilty” plea ang panganay na anak ni Justice Secretary Boying Remulla na si Juanito Jose Remulla III kaugnay sa kasong possession of illegal drugs.

Kinumpirma ito ng kaniyang abogado na si Atty. Jose Christopher Belmonte kung saan inihain ito kahapon sa kasagsagan ng arraignment na inorganisa ng Las Piñas Regional Trial Court sa pamamagitan ng video conference.

Sunod namang itatakda ang petsa ng paghahain ng mga ebidensya.


Matatandaang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Remulla III, sa Las Piñas noong Oktubre 11 matapos umanong tanggapin ang package ng high grade marijuana na nagkakahalagang ₱1.3 milyon.

Ang batang Remulla ang consignee sa package na naglalaman ng dalawang packets ng high-grade marijuana.

Una nang inihayag ni Justice Secretary Remulla na hindi ito mangingialam sa kasong kinakaharap ng anak.

Facebook Comments