Inirekomenda ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na gawin na lamang secret balloting ang proseso sa pagboto ng susunod na House Speaker sa 18th Congress.
Ayon kay Erice, sa pamamagitan ng secret balloting ay matitiyak ang paghahalal ng isang tunay na lider ng Kamara na totoong sinusuportahan ng mga myembro ng Mababang Kapulungan.
Dapat aniyang hayaan ang mga contenders na maglaban-laban para makuha ang suporta ng mga house members sa unang pagbubukas ng sesyon ng 18th Congress sa July 22.
Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na ipaubaya na lamang sa mga kongresista ang desisyon sa iluluklok na Speaker dahil lahat naman ng mga Speakership candidates ay kaalyado ni Pangulong Duterte.
Ang ikaapat sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno ay pinag-aagawan nina Leyte Rep. Martin Romualdez, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, Davao City Rep. Paolo Duterte, Pampanga Rep Dong Gonzales, Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at dumagdag pa si Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab.