Secretary Cayetano, pinaghahain ni Senator Kiko ng protesta sa China

Manila, Philippines – Igniit ni Liberal Party o LP president Senator Francis Kiko Pangilinan kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na maghain ng diplomatic protest laban sa China.

Kaugnay ito sa umano’y bantang giyera ng China sa Pilipinas matapos igiit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang soberanya natin sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.

Giit ni Pangilinan, kailangan maghain ang bansa ng diplomatic protest, laban sa nabanggit na pananakot ng China.


Kasabay nito ay sinuportahan din ni Pangilinan ang Senate Resolution 158 na inihain ni Sen. Bam Aquino na humihiling sa Senate Committee on Foreign Relations at Economic Affairs na magsagawa ng pagdinig, in aid of legislation, tungkol sa direksyon ng patakarang panlabas ng gobyerno na naglalayong protektahan ang ating mga pambansang interes.

Idinagdag pa ni Pangilinan na bukod sa isyung ito, ay dapat ding tugunan ng pagdinig ang mga detalye ng $24-bilyong pautang at pamumuhunan ng China na kailan lang ay pinagtibay.

Kasama din aniya na dapat silipin ang desisyon ng Duterte administration na tanggihan ang 250 million euros o mahigit 13-bilyong piso na tulong mula sa European Union.
DZXL558

Facebook Comments