Secretary Cusi, pinagbibitiw ng isang senador dahil sa umano’y iregularidad sa bentahan ng shares sa Malampaya

Pinagbibitiw ni Committee on Energy Chairman Senador Win Gatchalian, si Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi pati na ang labing-isa pang opisyal ng kagawaran na nag-apruba ng bentahan ng Chevron Malampaya at UC Malampaya.

Giit ni Gatchalian, dapat silang panagutin sa mga kasong kriminal at administratibo katulad ng graft, gross neglect of duty, at grave misconduct.

Tahasang sinabi ni Gatchalian na matapos ang nangyaring bentahan ay hindi na mapagkakatiwalaan ang mga ito ng sambayanang Pilipino dahil hindi naging tapat sa pangangalaga ng kaisa-isang pinagkukunan ng bansa ng natural gas.


Sa kanyang privilege speech ay ibinunyag ni Gatchalian ang mga paglabag sa batas ng mga opisyal ng DOE para lamang maaprubahan ang pagbebenta ng 45% participating interest sa Malampaya gas project ng Chevron Malampaya LLC Philippines sa UC Malampaya na isang indirect subsidiary ng Udenna Corporation.

Tinukoy ni Gatchalian na sa umpisa ng pagsisiyasat ng Senado sa $565 milyon o higit sa P40 bilyong halaga ng kasunduan, ay sinabi ng mga opisyal ng DOE na kailangang aprubahan muna ng gobyerno ang nasabing transaksyon alinsunod sa probisyon ng Presidential Decree No. 87 at Department Circular.

Ngunit ayon kay Gatchalian, binawi nila ito kalaunan matapos isailalim ang UC Malampaya sa financial evaluation kung saan lumabas na may negatibong $137.2 milyon o negatibong P6.9 billion working capital ang kumpanya.

Ang Malampaya ay pinakikinabangan ng mahigit apat at kalahating milyong tahanan at negosyo sa Mega Manila habang umaabot sa 20% ang ambag nito sa power generation mix ng buong bansa.

Facebook Comments