Secretary Panelo binawi ang unang pahayag sa issue ng wiretapping sa bansa

Kumambiyo ang Palasyo ng Malacanang sa issue ng wiretapping ng ilang dayuhang bansa sa mga tinatawag na Narco-Politicians sa Pilipinas.

Una na kasing sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo na galing sa mga kaalyadong bansa ang mga lumalabas na impormasyon na naging basehan ng Narcolist kung saan kabilang dito ang mga politico na sangkot sa iligal na droga.

Pero ngayon ay nilinaw ni Panelo na hindi niya sinabing ginagawa ito ng mga bansa bagkus ay ang kanyang gustong sabihin ay ang mga bansang Amerika, Israel, Russia at China ay mayroong expertise sa wiretapping.


Nilinaw din ni Panelo na walang ibang bansa ang nagsasagawa ng wiretapping activities sa Pilipinas at ang kanyang sinabi ay tinatawag lamang na educated guess sa mga nangyayari sa mundo.
Sinabi din ni Panelo na walang nagbibigay sa Pilipinas ng mga wiretapped information na kontra naman sa kanyang unang naging pahayag.

Binigyang diin pa nito na ang wiretapping ay iligal at hinding hindi papayagan ng gobyerno ng Pilipinas.

Matatandaan na umani ng batikos mula sa mga senador at iba pang grupo ang naging pahayag ni Panelo na nanggaling sa kaalyadong bansa ang mga impormasyon na pinagbasehan ng narco list.

Facebook Comments