Manila, Philippines – Hindi nakatiis at bumanat na rin ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo kay dating Pangulong Noy-Noy Aquino matapos nitong batikusin ang administrasyong Duterte.
Matatandaang sinabi ni Aquino na parang wala namang nangyari sa war against illegal drugs ng Administrasyon.
Ayon kay Panelo, hindi tamang tawagin na ineffective ang kampanya ng administrasyon laban sa iligal na droga lalo pa kung ito ay galing sa nakaraang administrasyon na tila walang ginawa para pigilan ang pagkalat ng iligal na droga sa bansa.
Sinabi pa ni Panelo na bukod sa pagkabigo ng nakaraang administrasyon na harapin ang problema sa iligal na droga ay bigo din ang dating pangulo na tugunan ang problema sa katiwalian at sa krimen.
Binigyang diin pa ng kalihim, magpapatuloy lang ang war against illegal drugs ng administrasyon at hindi ito magpapaapekto sa anomang batikos dahil ginagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mandato na protektahan ang kapakanan ng bawat Pilipino.