Section 29 ng Anti-Terrorism Act, tinutumbok ni opposition Rep. Edcel Lagman sa oral arguments sa Korte Suprema

Pinuntirya ni Albay Rep. Edcel Lagman ang Section 29 ng Anti-Terrorism Act sa kanyang pagharap sa oral arguments.

Ayon kay Lagman, mistulang isinantabi lahat ng nasabing batas ang mga karapatan ng taumbayan laban sa hindi makatwirang pag-aresto at matagal na pagkakakulong na walang isinasampang kaso.

Sinabi ni Lagman na kung itinatakda sa Article 125 ng revised penal code na hanggang 36 na oras lamang ang warrantless arrest na walang isinasampang kaso, magagawa ito ng mga otoridad sa ilalim ng Anti-Terror Law ng hanggang 24 na araw.


Aniya, ang matagal na pagdetine sa isang indibidwal nang walang kasong isinasampa ay maaaring humantong sa torture o panananakit para lamang piliting umamin sa isang krimen na malinaw na paglabag sa Anti-Torture Law.

Una namang inupakan ni Atty. Evalyn Ursua ang ginawa ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa Rural Missionaries of the Philippines (RMP) na pag-freeze sa 10 bank accounts ng grupo, base lamang sa aniya’y alegasyon na ginagamit daw ng RMP ang pondo nito para sa operasyon ng New People’s Army (NPA).

Sinabi ni Ursua na umabot pa ng siyam na buwan bago nalaman ng samahan ng mga misyonaryo ang sanhi ng pag-freeze sa kanilang bank accounts at hindi rin sila binigyan ng pagkakataon na makasagot o maipagtanggol ang kanilang sarili.

Binigyang-diin naman ni human rights lawyer Algamar Latiph ang epekto ng Anti-Terrorism Act sa mga katutubo at Moro na anila’y mga biktima rin ng historical injustice, malawakang land grabbing, diskriminasyon at human rights violations ng militar.

Samantala, sumentro naman ang interpellation ni Associate Justice Rosmari Carandang kay dating Solicitor General Jose Anselmo Cadiz, abogado ng petitioners, hinggil sa kung may iba pa bang nabiktima ng pagpigil ng gobyerno sa mga ari-arian tulad ng nangyari sa RMP; gayundin ang hinggil sa 2 kinasuhan na Aeta.

Tinanong naman ni Senior Associate Justice Estela Perlas-Bernabe si Atty. Chel Diokno hinggil sa definition ng terrorism, base sa international conventions at sinagot ito ni Diokno na ang mga definitions nito ay criminal acts o predicate crimes, na aniya’y pawang hindi nakapaloob sa Anti-Terror Act.

Facebook Comments