Ipinag-utos na ni Philippine National Police Chief Gen. Benjamin Acorda ang pagbibigay ng security arrangement para sa pamilya ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon.
Kasunod na rin ito ng pagsibak sa serbisyo ng pulis na umano’y lover ng beauty queen at mastermind sa pagkawala nito.
Ayon kay Police Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, Regional Director ng PRO-4A, agad silang tumugon sa kautusan ng PNP Chief at nagsagawa ng karampatang security measures.
Ang kautusan ni Acorda ay matapos na nagpahayag ng pagkabahala ang pamilya Camilon na natatakot sila sa kanilang kaligtasan matapos na matanggal sa serbisyo si Police Maj. Allan De Castro.
Si De Castro kasi ang itinuturong utak sa pagdukot kay Camilon noong Oktubre sa Batangas.
Bukod sa kasong administratibo, nahaharap din si De Castro sa kasong kriminal, personal driver nito at dalawa pang kasamahan.
Batay sa testimonya ng mga witnes, nakita ang personal driver ni De Castro at dalawang lalaki na inililipat ng ibang sasakyan ang walang malay na si Camilon.
Ilang araw ay nakita ang sasakyan ni Camilon at batay sa isinagawang forensic test ay nagmatch ang nakitang blood stain sa sasakyan nito sa DNA ng mga magulang ng beauty queen.