Security Guard ng Pudtul Apayao, Patay sa Banggaan!

Mallig, Isabela – Patay kagabi ang isang security guard ng Pudtul Apayao matapos bumangga ang minamanehong motorsiklo sa kasalubong na Isuzu Forward sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Victoria, Mallig, Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office, kinilala ang security guard na sakay ng walang plate number na motor na si Lemar Barad, nasa tamang edad at residente ng Upper Maton, Pudtul, Apayao, samantala ang drayber ng Isuzu Forward ay si Nestor Tungcul, apatnapu’t dalawang taong gulang at residente ng Maddarulug Norte, Enrile, Cagayan.

Sa imbestigasyon na isinagawa ng PNP Mallig, papungtang Roxas, Isabela ang sasakyan na minamaneho ni Tungcul at nang makarating sa nabanggit na lugar ay bigla umanong nag-iba ng linya ang motorsiklo na naging dahilan ng pagkakabangga nito.


Kaagad na itinakbo sa isang pagamutan sa Roxas, Isabela ang biktima ngunit dead on arrival na ito ayon sa sumuring doctor.

Ang suspek at ang dalawang sasakyan ay dinala na sa Mallig police Station para sa kaukulang disposisyon.

Facebook Comments