Hanggang hindi nawawakasan ang ENDO o kontraktwalisasyon ay muling ihahain at patuloy na isusulong ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang Security of Tenure Bill.
Pahayag ito ni Villanueva matapos iveto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Security of Tenure Bill na inaasahang tatapos sa ENDO.
Sinabi ni Villanueva na magpapatuloy ngayon ang dalawang dekada ng pakikibaka ng mga manggagawang Pilipino.
Giit ni Villanueva, ang naipasang panukala ay patas sa lahat ng partido, at ang bawat probisyon ay may kaukulang proteksyon para sa mga manggagawa laban sa mga iligal na uri ng contractualization habang hindi pinapabayaan na madehado ang mga negosyante na tumutulong maglikha ng trabaho.
Sa simula pa lamang ay inasahan na ni Villanueva na maraming haharang sa panukala.
Diin ni Villanueva, ang pagka veto sa Security of Tenure Bill ay nagpapakita na naging mas matimbang ang mga makapangyarihan at naghaharing-uri laban sa katotohanan at mga inaapi.