Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang inamiyendahang bersyon ng panukalang Security of Tenure Act na layong tapusin ang labor-only contracting sa bansa.
Sa botong 204 na pabor habang pito ang kontra, lusot sa pinal na pagbasa ang House Bill 7036.
Sa ilalim ng panukalang batas, matatakpan na ang mga butas na kadalasang ginagamit ng mga employers para makatakas sa mandatory regularization ng mga manggagawa.
Magkakaroon na rin ng balance sa pagitan ng interest ng kumpanya at kapakanan ng mga manggagawa.
Ayon kay 1-Pacman Party-list Representative Enrico Pineda, Chairperson ng House Committee on Labor and Employment, tiwala silang naresolba nila ang mga dahilan kung bakit vineto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala na inaprubahan pa ng Kongreso noong nakaraang taon.
Bukod kay Pineda, ang mga may-akda ng panukalang batas ay sina Deputy Speakers Precious Hipolito Castelo, Michael Edgar Aglipay at Jesse Mangaoang.
Anim na Makabayan bloc solons ang kumontra sa panukala matapos mag-withdraw bilang co-authors nito.
Aktibong lumahok ang opposition lawmakers sa deliberasyon ng komite para sa panukala pero hindi nila idineklara ang kanilang pagtutol sa pinal na bersyon ng panukala.
Batay sa veto message ni Pangulong Duterte noong nakaraang taon, napansin niya ang ilang probisyon sa panukala na nagkaroon ng labis na paglawak ng depinisyon ng ‘endo’ o end of contract.