Santiago City, Isabela- Patuloy at doble ang isinasagawang pagmamanman at pagpapakalat ng mga flyers ng PNP Santiago sa ibat-ibang bahagi ng lungsod upang masiguro ang katahimikan at kaayusan ng sa nalalapit na pagsalubong ng bagong taon.
Ito ang ibinahagi ni Santiago City PNP Station I Commander PCI Rolando Gatan sa pakikipanayam ng RMN Cauayan News.
Ayon sa kanya, higit nilang hihigpitan ang seguridad ngayong nalalapit na bagong taon sa pamamagitan ng kanilang pakikipag ugnayan sa mga opisyal ng barangay upang ipalaganap ang Executive Order no.28 o “Regulation and Control of the Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices” para sa tamang lugar ng pagpapaputok.
Kasama rin sa kanilang pakikipag ugnayan ang pagbibigay ng mga flyers na naglalaman ng mga paalala ngayong Yuletide Season lalo na sa mga makikipagsiksikan sa pamilihan, malls at tiangge.
Laman ng mga flyiers ang mga paalalang dapat tandaan ng bawat isa na Ilagay ang wallet sa masikip na bulsa o sa harapang bulsa at paghiwa-hiwalayin ang mga pera at mahalagang gamit para maiwasan na makuha lahat kung tayo man ay maging biktima ng mandurukot.
Iwasang ipakita sa publiko na mayroong dalang malaking halaga sa pamimili, bilangin ng mabuti ang sukli bago umalis sa pinagbilhan at iwasang magsuot ng mamahaling alahas at pagbitbit ng mamahaling cellphone.
Kung maaari ay huwag magsama ng bata sa masikip na pamilihan o di kaya’y siguruhin na mayroon silang dalang pagkakakilanlan at alamin din ang First Aid o PNP Assistance Booths para sa emergency o police assistance.
Payo pa ni PCI Gatan na huwag agad magtiwala sa mga taong hindi kakilala at kung mapansin man na may kahina-hinalang galaw ay magreport agad sa pulisya.