Manila, Philippines – Binigyan ng Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) ng hanggang ngayong araw ang lahat ng pribadong security provider sa National Capital Region (NCR) na mag-sumite ng kopya ng kani-kanilang mga security plans ng mga malls, hotels, o alin mang commercial at entertainment establishments.
Ito ay kaugnay sa naganap na trahedya sa Resorts World Manila, kung saan 39 ang namatay kasama rito ang suspek na si Jessie Carlos, na magsilibi umanong ‘wake up call’ para sa mga pribadong security providers.
Ayon kay PNP-SOSIA Chief Supt. Jose Mario Espino – pag-aaralan nilang mabuti ang mga security plans ng mga security providers at titiyakin na masusunod ang “Security Code of the Philippines”.
Sa pagsisiyasat na ginawa kaugnay ng insidente sa RWM, napag-alaman na hindi nasunod ang mga security plans ng security provider ng nasabing resort dahil ang sinunod na batayan ng seguridad ay dinikta umano ng management ng hotel.