Pareho ang security plan na ipapatupad ng Philippine National Police (PNP) sa distribution ng mga bakuna kontra COVID-19 at sa ginaganap na eleksyon sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ni Police Deputy Director General for Operation Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, sa harap na rin ng ginagawa ng PNP para sa vaccination roll out ng gobyerno.
Paliwanag ni Binag, kung gaano kahigpit ang pagbabantay na ginagawa nila sa mga balota kapag may eleksyon ay siya ring gagawin nila sa mga bakuna.
Sa panahon aniya ng eleksyon ay binabantayan nila ang balota mula sa presinto hanggang sa Municipal, Provincial at National Board of Canvassers para maiwasan ang sabotahe at dayaan.
Habang sa Vaccination Program ay mahigpit na pagbabantay ang kanilang gagawin mula sa pagdating ng mga bakuna sa mga airport, papunta sa mga cold storage sa mga rehiyon, lalawigan at lungsod hanggang makarating sa mga vaccination sites at maiturok ang bakuna.
Sa ngayon batay sa monitoring ng PNP, wala silang nakikitang banta sa seguridad sa gagawing National Vaccination Program.