Iginiit ni Senadora Grace Poe sa pamahalaan na agad magkaloob ng tulong sa mga magsasaka sa Northern Luzon na naapektuhan ng pananalasa ng malakas na bagyong Ompong.
Ayon kay Poe, bukod sa mga relief goods ay dapat ding bigyan ng pamahalaan ng mga binhi para makapagtanim muli ang mga magsasaka.
Pero diin ni Poe, magiging epektibo ang seed assistance program kung sasamahan ito ng agarang pagpapaayos sa mga nasirang rural infrastructure tulad ng irigasyon, farm-to-market roads at solar dryers.
Idinagdag pa ni Poe na makabubuting magkaloob din ang gobyerno ng diskwento sa gasolina para sa traktora ng mga magsasaka, mabilis na bayad sa crop insurance at pagpapalawig sa panahon ng pagbayad ng pautang sa mga magsasaka ng walang interest.
Paalala ni Poe, malaki ang magiging epekto sa food security ng bansa kung hindi agad maibabangon ang sektor ng agrikultura sa mga rehiyong hinagupit ng bagyong Ompong.