Manila, Philippines – Dumepensa ngayon ang Palasyo ng Malacañang sa banat ng Philippine Center for Investigative Journalism na hindi inilabas ng Malacañang ang buong impormasyon na nakalagay sa mga Statement of Assets Liabilities and Net worth o SALN ng mga gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinuna kasi ng PCIJ ang mga naka-takip na impormasyon sa mga nakuha nilang SALN ng mga gabinete.
Batay sa PCIJ, hindi makikita sa nakuha nilang kopya ng SALN ang address ng opisyal, pangalan at kapanganakan ng anak, eksaktong address ng mga pagaaring lupa, ID Number ng opisyal at asawa nito pati ang lagda ng opisyal at asawa nito.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, kahit pa ipinatutupad ng pamahalaan ang transparency at accountability sa public service ay mayroon parin namang right to privacy ang mga nasa gobyerno kabilang na ang mga miyembro ng gabinete ng Pangulo.
Paliwanag ni Abella, ikinukunsidera kasi ng pamahalaan ang seguridad ng mga opisyal ng pamahalaan dahil mayroong mga sensitibong impormasyon sa mga SALN ng mga ito na maaaring gamitin laban sa mga opisyal.
Binigyang diin pa ni Abella na naaayon naman ito sa Global Data Protection regulations at sa Data Privacy Act ng Pilipinas.
Seguridad ng mga gabinete ng pangulo at ibang opisyal ng gobyerno, pangunahing dahilan kung bakit hindi kasama sa inilabas na SALN ng Malacañang
Facebook Comments