SEGURIDAD NG MGA IBIBYAHENGBALOTA, ELECTION PARAPHERNALIA SA COASTAL TOWNS, TINUTUTUKAN NG CAUAYAN AIRPORTPOLICE STATION

Cauayan City, Isabela- Habang papalapit nang papalapit ang petsa ng araw ng botohan para sa 2022 National at Local elections, ay abala at nakaalerto rin ngayon ang Special Operations Unit o SOU ng Cauayan Airport Police Station sa ilalim ng Philippine Aviation Security Group para sa pagbibigay ng seguridad sa kanilang nasasakupan bukod sa ginagawang security operations ng PNP Cauayan sa Lungsod lalong lalo na ngayong panahon ng eleksyon.

Sa eksklusibong panayam kay PLt Joker Meswang, SOU Platoon Leader, katuwang aniya sila ng Cauayan City Police Station sa pagbibigay seguridad sa mga tao lalo na sa mga pumapasok at dumarating sa Cauayan City Airport.

Maging ngayong panahon ng eleksyon ay kabahagi rin aniya ang pwersa ng Special Operations Unit sa pagsalubong at pagbibigay seguridad sa mga dumarating na official ballots at election paraphernalias na ibibiyahe naman patungo sa mga coastal towns ng Isabela.

Ayon pa kay PLT Meswang, mayroon na aniyang dumating sa paliparan na 36 bundles ng official ballots at dinala na ito sa bayan ng Palanan.

Naging maayos at ligtas naman aniya ang pagpapadala sa mga naturang balota sa nasabing coastal town sa tulong na rin ng pulisya. Dagdag dito, wala pang natatanggap na Vote Counting machine o VCM ang Cauayan City Airport subalit kanila pa rin itong pinaghahandaan kung sakaling may ipinadalang VCM.

Ang SOU ay karagdagang pwersa at suporta ng PNP-AVSEGROUP na nakakalat sa lahat ng paliparan sa bansa na may misyong pigilan ang hijacking incident, terorismo, pagsasagawa ng bomb disposal, search and rescue operations at iba pang nakakapag dulot ng hindi magandang pangyayari sa paliparan.

Samantala, tuloy tuloy pa rin ang kanilang aktibidad sa loob ng paliparan tulad ng pagsasagawa ng lecture sa mga pasahero tungkol sa illegal drugs at anti terrorism, barangayanihan program at pagbisita sa mga kalapit na barangay.

Paalala naman nito sa publiko na ngayong panahon ng eleksyon ay huwag pa ring ipagsawalang bahala ang kalusugan na kailangan pa rin aniyang sumunod sa minimum public health standards lalo’t nandyan pa ang banta ng coronavirus.

Facebook Comments