Seguridad ng mga pasahero, matinding tinututukan ng NCRPO ngayong nalalapit na ang Semana Santa

Patuloy ang paghahanda na ginagawa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilang mga terminal hub para tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa Semana Santa.

Una rito personal na ininspeksyon ni NCRPO Director Maj. Gen. Edgar Alan Okubo ang sitwasyon ng mga paliparan, daungan, at mga terminal ng bus sa Metro Manila.

Sa inaasahang pagdagsa ng mga tao, unang nagtungo nagsagawa ng paunang inspeksyon sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA), Five Star Bus Liner, Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), DLTB Bus Terminal, Philippine Ports Authority (PPA) at ang Victory Liner sa EDSA.


Sa nasabing inspeksyon, muling iginiit ni Okubo ang kanyang gabay sa mga pulis na manatiling alerto at mapagbantay habang tinitiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga commuter.

Siniguro din ng NCRPO na mahigpit na sinusunod at binabantayan ang police visibility at mga naitatag na Police Assistance Desks (PADs). Para pa rin sa kaligtasan ng lahat, bukod sa kahandaan ng mga pulis, pinaalalahanan din Ni Okubo ang mga pasahero sa ilang safety measures at higit na sinuri ang kalagayan ng mga driver.

Hinihingi rin ng ahensya ang kooperasyon ng publiko na i-report sa mga awtoridad ng pulisya ang sinumang kahina-hinalang tao sa kanilang lugar.

Facebook Comments