SEGURIDAD NG OFW | Pagkakaroon ng bilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait, isinusulong ng DFA

Manila, Philippines – Bagamat welcome sa gobyerno ng Pilipinas ang sinasabing assurance sa proteksyon ng mga Overseas Filipino Workers ng Kuwaiti Government, nais pa rin magkaroon ng bilateral agreement ng Pilipinas sa Kuwait upang matiyak ang seguridad ng ating mga kababayan.

Ito ang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pulong nito kay Kuwaiti ambassador to the Philippines Saleh Ahmad Alhwaikh kamakailan.

Ayon kay Secretary Cayetano, layon ng kasunduan na bigyang proteksyon ang ating mga kababayan na nagtatrabaho sa Gulf State.


Bunsod na rin ito ng kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang pantao ng mga employers ng ating mga kababayan sa Middle East.

Sinabi ng opisyal na sa ngayon, hindi pa niya maibigay ang nilalaman ng nasabing bilateral agreement dahil patuloy pa rin ang pakikipag-usap nila sa gobyerno ng Kuwait.

Paliwanag pa nito, kailangan munang mabuo ang tiwala sa magkaparehong bansa nang sa gayon ay magkaroon ng magandang kasunduan na magbebenepisyo ang ating mga OFWs.

Tiniyak din ni Cayetano na ipinahatid niya ang mga reklamo o hinaing ng ating mga kababayan sa Kuwaiti government tulad ng hindi pagpapasweldo, hindi pagbibigay ng day-off, wala halos pahinga, hindi pinakakain, minamaltrato, inaabuso, ginugulpi, ang iba pa nga ay ginagahasa at ang ilan ay brutal na pinatay tulad sa kaso ng OFW na si Joanna Demafelis na isinilid pa ang bangkay sa freezer ng mahigit sa isang taon.

Facebook Comments