“We are taking it seriously.”
Ito ang mariing pahayag ni Colonel Edgar Arevalo, ang tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na balak siyang patayin ng Central Intelligence Agency (CIA).
Sa panayam ng media sa isinagawang beef sharing o pamamahagi ng karne sa mga mahihirap na residente ng Barangay Wilson sa San Juan kaugnay pa rin ng selebrasyon ng Eid Al Adha, sinabi ni Arevalo na pagdating sa seguridad ng Pangulo ay hindi dapat magpakampante ang AFP.
Sa katunayan, nakikipag-coordinate na sila sa kanilang katapat sa PNP para makapagsagawa ng counter measures para mapigilan ang anumang banta sa seguridad ni Pangulong Duterte.
Nariyan din aniya ang Presidential Security Group (PSG) na siyang nagbibigay proteksyon sa Pangulo at sa kanyang immediate family.
Ganito rin ang pahayag ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez na sinabing nakikipag-usap ang AFP sa iba pang ahensya ukol sa naturang banta.
Nauna nang ibinunyag ni Pangulong Duterte na pinakikinggan ng CIA ang mga tawag niya sa telepono at gusto siyang ipapatay.
Kasunod naman ito ng kahandaan ng Pangulo na bumili ng makabagong submarine at mga armas sa Russia.