Seguridad para sa Huling araw ng Bambanti Festival 2019, Mas lalong Tututukan!

*Ilagan City, Isabela- *Mas lalong tututukan ngayon ng pamunuan ng PNP Ilagan City ang seguridad para sa huling araw ng Bambanti Festival 2019 kasabay ng pagdating ng Cast ng teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” na magtatanghal mamayang gabi, Enero 26, 2019.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Superintendent Rafael Pagalilauan, hepe ng PNP Ilagan City, nakaalerto na ang kanyang pamunuan dahil inaasahang magdadagsaan pa ang mga manonood at makikiisa sa selebrasyon.

May mga nakatalagang pulis na rin anya katuwang ang iba pang mga alagad ng batas sa bawat paradahan upang magbantay at matiyak ang seguridad ng mga darating na manonood.


Inihayag rin ng hepe na may mga nakalaang parking area para sa mga magpaparada ng sasakyan at maaari rin umanong pumarada malapit sa North Star Mall na inialok rin ng LGU Ilagan.

Malaki naman ang pasasalamat ni PSupt. Pagalilauan dahil sa ipinakitang kooperasyon ng mga dumalo at lumahok sa Bambanti Fest kung kaya’t hindi sila nahirapang panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa Lungsod kung saan walang naitalang insidente na may kaugnayan sa naturang pagdiriwang.

Samantala, patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang Checkpoint na may kaugnayan pa rin sa Election Gun ban kaya’t pinapaalalahanan ang lahat ng motorista na sumunod sa kanilang ipinapatupad upang maiwasan ang anumang aberya.

Facebook Comments