Thursday, January 15, 2026

Seguridad sa ASEAN Summit, plantsado na —PNP, AFP

Plantsado na ang seguridad sa pagho-host ng Pilipinas ng mga aktibidad ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon at wala umanong na-mo-monitor na banta sa ngayon ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na matagal nang naghahanda ang pamahalaan para sa ASEAN Summit at tuloy-tuloy ang koordinasyon ng PNP sa AFP, Philippine Coast Guard (PCG), at mga lokal na pamahalaan upang matukoy at maagapan ang anumang posibleng panganib.

Patuloy rin ang pagsusuri sa mga security risk, ngunit sa kasalukuyan ay wala pang nakikitang seryosong banta kaugnay ng mga aktibidad ng ASEAN sa bansa.

Sa ilalim ng security plan, ipatutupad ang mahigpit at magkakaugnay na hakbang sa seguridad, kabilang ang paglalagay ng “ASEAN lanes” para sa maayos at ligtas na galaw ng mga opisyal at delegado, lalo na sa Maynila.

Isasagawa ang 48th ASEAN Leaders’ Summit sa Mayo 8 hanggang 9 sa Cebu, habang ang 49th ASEAN Leaders’ Summit ay nakatakda sa Nobyembre 10 hanggang 12 sa Maynila, sa Philippine International Convention Center (PICC).

Tiniyak din ng AFP ang buong suporta nito sa PNP upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong panahon ng pagdaraos ng mga aktibidad ng ASEAN sa bansa.

Facebook Comments