Seguridad sa Cotabato City, mas pinaigting pa ng militar matapos ang nangyaring pagsabog

Siniguro ng Army’s Joint Task Group Cotabato na kontrolado na nila ang sitwasyon sa lungsod ng Cotabato matapos itong bulabugin ng pagsabog kamakalawa ng gabi.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, dalawang hindi nakilalang indibidwal ang nagtapon ng hinihinalang bomba sa likod ng isang motorized banca na nakadaong sa ilog ng Tamontaka bago nangyari ang pagsabog.

Sinasabing pagmamay-ari ang bangka ng isang Datu Manot Sinsuat na residente ng Brgy. Resa, Datu Blah Sinsuat sa Maguindanao.


Ayon kay Task Group Commander Col. Jose Rustia, wala namang nasugatan sa mga sakay ng bangka kung saan itinapon ang pampasabog dahil wala itong sakay nang mangyari ang pagsabog.

Sa pagresponde ng mga tauhan ng Army Explosive Ordinance Division at Cotabato City Police sa lugar, narekober sa pinangyarihan ng pagsabog ang 2 safety pins ng fragmentation granade.

Facebook Comments