Seguridad sa huling araw ng COC filing, lalo pang hinigpitan

Lalo pang hinigpitan ng mga awtoridad ang seguridad sa paligid ng CCP at PICC complex sa Pasay City.

Sa harap ito ng inaasahang pagdagsa ng mas maraming political aspirants ngayong huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) at Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).

Kaninang umaga, nagbarikada na ang mga pulis sa paligid ng PICC kung saan hindi na rin pinayagang makapasok ang mga supporters ng mga kandidato.


Kabilang rito ang grupo ng mga taga-suporta ni Davao City Mayor Sara Duterte na patuloy na hinihimok ang alkalde na tumakbo sa pagkapangulo sa 2022.

Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PNP Spokesperson Police Col. Roderick Agustus Alba na nananatiling mapayapa ang sitwasyon sa COC filing.

Kasabay nito, nanawagan ang PNP sa mga kandidato na huwag gawing superspreader events ang paghahain ng COC at manatiling sumunod sa COVID-19 health protocols.

Facebook Comments