Thursday, January 15, 2026

SEGURIDAD SA MGA BUSINESS ESTABLISHMENT SA SANTA MARIA, SINIGURO NG KAPULISAN

Tiniyak ng Santa Maria Police Station ang seguridad at kaayusan sa mga business establishment sa bayan ng Santa Maria sa isinagawang routine visitation ngayong araw, Enero 15, 2026.

Sa ulat ng pulisya, ang aktibidad ay bahagi ng regular na police presence at preventive measures upang maiwasan ang insidente ng krimen, mapanatili ang kaayusan, at matiyak ang pagsunod ng mga establisyemento sa umiiral na batas at lokal na ordinansa.

Binisita ng mga pulis ang iba’t ibang uri ng negosyo, kabilang ang mga tindahan at iba pang commercial establishments, kung saan ipinaalala sa mga may-ari at empleyado ang kahalagahan ng seguridad, maayos na operasyon, at agarang pakikipag-ugnayan sa awtoridad sakaling may kahina-hinalang aktibidad o insidente.

Kasama rin sa isinagawang pagbisita ang pagbibigay-paalala sa tamang paglalagay ng CCTV cameras, sapat na ilaw sa loob at paligid ng establisyemento, at pagsunod sa mga patakaran kaugnay ng oras ng operasyon.

Ayon sa Santa Maria Police Station, ang ganitong uri ng aktibidad ay mahalaga upang mapalakas ang ugnayan ng pulisya at sektor ng negosyo, gayundin upang agad na matukoy ang mga posibleng banta sa seguridad sa komunidad.

Patuloy naman ang regular na pag-iikot at monitoring ng pulisya sa iba’t ibang bahagi ng bayan bilang bahagi ng kanilang mandato sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Santa Maria.

Facebook Comments