Pinatataasan ni Senator Christopher “Bong” Go ang seguridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang isinasaayos ang intelligence capabilities ng paliparan.
Ang apela ng senador ay kaugnay na rin sa mga natanggap na report na ginawang pag-aalis sa mga x-ray machines at scanners sa departure entrances ng paliparan na hiling na rin ng mga pasahero para maging mabilis ang proseso ng kanilang biyahe.
Giit ni Go, suportado niya na gawing maginhawa at mabilis ang paglalakbay ng mga pasahero pero mas makabubuti pa rin kung mayroong sapat na mga pag-iingat na nakalatag sa NAIA.
Pinaalalalahan ni Go ang mga awtoridad na nakatalaga sa NAIA na ipatupad pa rin ang kinakailangang mga security protocol.
Babala ng senador, ang pag-alis ng mga x-ray scanners ay nangangahulugan ng pagtatanggal sa unang layer ng seguridad ng mga pasahero at mga tauhan sa NAIA.
Aniya pa, isa rin itong isyu ng security at convenience at nababahala rin ang mambabatas na nagbabadya ito ng terorismo na hinihintay lamang na mangyari.