Seguridad sa Pagbabalik Eskwela ng mga Mag-aaral, Tinututukan ng PNP Angadanan!

Angadanan, Isabela- Patuloy ang ginagawang paghahanda ng PNP Angadanan upang matutukan ang seguridad ng mga mag-aaral sa kanilang nasasakupang bayan sa pagbubukas ng klase bukas Hunyo 2, 2018.

Sa naging talakayan ng RMN Cauayan sa programang Sentro Serbisyo, sinabi ni PSI Carlito Manibug na magiging mahigpit umano ang kanilang himpilan sa pagbabantay at pagpapatupad ng mga batas at alituntunin na makakatulong upang matiyak ang seguridad ng mga mag-aaral ngayong darating na pasukan.

Ayon pa sa kanya, magtatalaga din umano sila ng mga pulis na magababantay at manghuhuli sa mga lansangan at mga paradahan lalo na sa mga drayber na nag-oover loading, nagmamaneho ng walang lisensya, mga walang oplan visa at mga menor de edad na nagmamaneho sa mga lansangan na nagiging kalimitang sanhi ng aksidente.


Dagdag pa rito, ang mga mahuhuli umanong lalabag sa alituntuning nakabatay sa ordinansa ng kanilang bayan ay papatawan ng kaukulang kaparusahan at magmumulta samantalang kukumpiskahin pa ng mga pulis ang kanilang mga sasakyan at saka lamang ito ibabalik kung nakabayad na ng kaukulang multa.

Magtatalaga din umano ang PNP Angadanan ng mga pulis sa iba pang bahagi ng lansangan na malapit sa malalaking establishimento upang maiwasan ang nakawan.

Umaasa naman ang kapulisan na magiging maayos at ligtas ang magiging simula ng pasukan sa bukas lalo na at ginagawa naman nila ang lahat ng kanilang makakaya para matiyak ang seguridad ng bawat isa sa kanilang nasasakupang bayan.

Facebook Comments