Ide-deploy ng Philippine National Police (PNP) ang 15,000 na mga pulis para magbantay sa gaganaping huling State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, isang daang porsyento nang handa ang hanay ng PNP sa pagtiyak ng seguridad para sa SONA.
Aniya, magsusuot ng body cameras ang mga pulis sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na ide-deploy para mapigilan ang anumang planong pangggulo ng indibidwal o grupo sa gagawing SONA.
Tiwala si Eleazar sa kakayahan ni NCRPO Chief Maj. Gen. Vicente Danao na maipapatupad nito nang maayos at mapayapa ang SONA ng pangulo gaya ng mga nakaraang SONA.
Sa ngayon, walang namo-monitor na anumang banta ang PNP sa gaganaping SONA ng pangulo pero naka-alerto sila sa anumang mga posibleng kaganapan.
Panawagan naman ni Eleazar sa mga may planong magsagawa ng stage mass actions na gawin na lamang ito virtually o online lalo’t kumpirmado na ang local transmission ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa.