Sektor ng pagnenegosyo, bumaba ang pagiging positibo habang mga konsyumer mas naging negatibo ang pananaw ngayong third quarter ng 2022 ayon sa BSP

Bumaba ang kumpiyansa ng mga negosyante habang naging negatibo lalo ang pananaw ng mga konsyumer sa ekonomiya ng Pilipinas ngayong ikatlong quarter ng 2022.

Batay ito sa pinakahuling survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas kung saan sumadsad sa 26.1% ang confidence index (CI) ng business sector sa kanilang negosyo ngayong third quarter kumpara sa 35.4% nitong second quarter.

Lumalabas naman sa Consumer Expectations Survey (CES) na bumaba sa -12.9% ang kumpiyansa ng mga mamimili sa ekonomiya ng bansa, mas mababa sa naitalang -5.2% nitong second quarter.


Ayon kay BSP Department of Economic Statistics head Redentor Paolo Alegre Jr., bunsod ito ng ilang bagay tulad ng inflation rate, mataas na presyo ng produktong petrolyo, mababang kinikita ng mga negosyo, paghina sa palitan ng piso at ang nagpapatuloy na banta ng COVID-19 pandemic.

Dahil dito, asahan pa aniya ang mas mababang optimistic level sa mga negosyo pagsapit ng ikaapat na quarter at sa susunod na taon.

Inaasahan namang magkakaroon ng kumpiyansa ang mga konsyumer sa darating na fourth quarter bunsod ng inaasahang pagbaba ng unemployment rate sa mga susunod na buwan dahil sa pagbubukas muli ng ekonomiya ng bansa.

Facebook Comments