Cauayan City, Isabela- Nadagdagan pa ng isang (1) panibagong positibong kaso ng COVID-19 ang naitala ng bayan ng San Mateo matapos magpostibo sa virus ang isang security guard na nagtatrabaho sa bayan ng Ramon, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Greg Pua, kanyang sinabi na mayroong isang bagong kaso na naitala kagabi na kinabibilangan ng isang 23 taong gulang na gwardiya na taga Purok 4 Brgy. Brgy Marasat Pequeño.
Maituturing na din aniya na ang pagpositibo ng nasabing pasyente ay dulot ng local transmission.
Napag-alaman na noong buwan pa ng Agosto nakaramdam ng mga sintomas ng COVID-19 ang nagpositibo kaya’t pinauwi muna ito ng gusaling pinapasukan upang magpagaling at magpasuri sa Doktor.
Hindi na umano nagpasuri sa Doktor ang pasyente dahil gumaling na ang kanyang ubo, sipon at lagnat at sinubukang bumalik sa trabaho.
Bilang bahagi ng protocol ng pinapasukang establisyimento, isinailalim muna sa rapid test ang pasyente ngunit positibo ang resulta nito kaya’t isinailalim din sa swab test hanggang sa nakumpirma na positibo ito sa COVID-19.
Ayon pa kay Mayor Pua, agad naman na nagsagawa ng contact tracing ang mga kinauukulang ahensya kung saan natukoy na naexpose lahat ang kanyang kapamilya.
Sa Kasalukuyan ay mayroon ng kabuuang 29 na confirmed cases ang bayan ng San Mateo, kung saan 9 ang aktibong kaso, 20 ang nakarekober at nakauwi na sa kani-kanilang bahay.