Sekyu na nang-hostage ng doktor sa EAMC, nagpositibo sa COVID-19

COURTESY QCPD-CIDU

Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang security guard na nambihag ng isang doktor sa emergency room ng East Avenue Medical Center (EAMC) noong Hulyo 1.

Inanunsyo ni QCPD Director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo ang resulta ng isinagawang swab test kay Hilarion Achondo nitong Biyernes ng umaga.

Sa isang ulat, sinabing dumaing ng paninikip ng dibdib ang guwardya dahilan upang isugod siya sa Quirino Memorial Medical Center, kung saan nakumpirmang dinapuan ito ng virus.


Mananatili sa ospital si Achondo habang sumailalim naman sa quarantine ang 10 tauhan ng QCPD na rumesponde sa naturang hostage taking.

Nagsasagawa na ngayon ng contact tracing ang mga kinauukulan sa iba pang nakasalamuha ng akusado.

(BASAHIN: Sekyu na na-aksidente sa motorsiklo, nang-hostage ng doktor)

Matatandaang nagtungo sa emergency room ng EAMC ang guwardiya pasado alas-2 ng madaling araw noong Miyerkoles upang palapatan ng lunas ang tinamong sugat dulot ng motorcycle accident.

Subalit pagdating ng alas-5 ng umaga, bigla umanong hinatak ni Achondo ang isang manggagamot at tinutukan ito ng hiringgilya sa leeg.

Makalipas lamang ang 10 minuto ay pinalaya ito ng suspek at agad sumuko sa mga awtoridad.

Facebook Comments